Iimbestigahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office XII ang mga reklamo ng ilang residente sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte kaugnay ng kalidad ng dressed chicken na natanggap nila bilang benepisyaryo ng Walang Gutom Program.

Ilan sa mga residente ang nagreklamo na matigas umano ang ipinamahaging manok at mahirap itong lutuin, dahilan upang kuwestiyunin nila ang kalidad ng pagkaing inilaan sa ilalim ng programa.

Sa inilabas na pahayag, tiniyak ng DSWD-12 na magsasagawa ang mga tauhan nito ng imbestigasyon at validation upang matukoy ang mga pangyayari at kung may pagkukulang sa proseso ng paghahatid at quality assurance ng mga food commodities.

Binigyang-diin din ng ahensiya na dapat makatanggap ang mga benepisyaryo ng masustansiya, de-kalidad at ligtas na pagkaing angkop sa kanilang pagkonsumo.

Samantala, nilinaw ng lokal na pamahalaan ng Datu Odin Sinsuat na ang DSWD ang pangunahing nangangasiwa sa implementasyon ng programa, kabilang ang pamamahala sa mga supplier at food redemption arrangements, habang logistical support lamang ang tungkulin ng LGU.

Ayon sa lokal na pamahalaan, agad nitong iniakyat sa DSWD Field Office XII ang mga reklamo ng mga residente at nanawagan sa ahensiya na magsagawa ng agarang imbestigasyon at magbigay ng kaukulang resolusyon.

Hinikayat naman ng DSWD-12 ang mga benepisyaryo na patuloy na idulog sa mga opisyal na grievance channels ang kanilang mga reklamo upang maitala at maaksyunan ng ahensiya.