Patay ang dalawa habang apat na katao naman ang sugatan sa naganap na bakbakan ng dalawang grupo sa bayan ng Malabang, Lanao del Sur nitong umaga ng Martes, Setyembre 24.

Sa ulat ng PNP kinilala ang mga nasawing sina alyas Fajad at Nodin samantalang ang mga sugatan na kinilalang sina Ansari Dindic at Hamdanie Ibrahim na residente sa nasabing bayan habang sina Jemar at Esmail Abdul naman ay residente ng bayan ng Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.

Apektado ang dalawang baryo sa Malabang partikular na ang Bacayawan at Tubok kung saan daan-daang residente na ang naging bakwit. Ilang linggo na rin aniyang nagaganap ang bakbakan ng dalawang grupo na pinaniniwalaang may Rido umano.

Sa ngayon nasa full alert status na ang PNP katuwang ang Militar sa lugar upang maging mediator o pumagitna sa bakbakan ng dalawang panig.