Isang pulis ang namatay matapos barilin ng kanyang misis, na isa ring pulis, sa garahe ng kanilang bahay sa Angeles City, Pampanga.

Ayon sa PNP, isang kapitbahay ng mag-asawa ang nakarinig ng putok ng baril at agad tumulong.

Pagdating sa garahe, nakita nitong duguan ang biktima, at nang bumalik ito matapos tumawag ng tulong, naharap na niya ang misis na hawak ang baril.

Ang biktima, isang police chief master sergeant na nakatalaga sa Angeles City Police Office, ay dinala sa ospital ngunit binawian din ng buhay. Inaresto naman ang misis, isang police staff sergeant, at kasalukuyang nahaharap sa imbestigasyon.

“Ang baril na nakita sa tabi ng napatay na pulis ay ang issued firearm ng kanyang asawang pulis,” ayon kay Police Brigadier General Jean Fajardo ng PNP.

Hinihintay pa ang resulta ng ballistic examination upang kumpirmahin kung ito nga ang ginamit sa pagpatay.

Isa sa mga tinitingnang motibo sa krimen ang mga problema sa relasyon ng mag-asawa.

May tatlong anak ang mag-asawa na kasalukuyang inaalagaan ng mga kamag-anak ng namatay.