Nabitin ang aniya ay masaya sanang valentines day ng suspek sa pagtutulak ng droga at ng misis nito matapos na masakote ang lalaki sa inilatag na drug bust operations ng Presinto 3 kahapon, alas singko ng hapon sa panulukan ng Governor Gutierrez, Purok Tres sa Barangay RH 9.

Kinilala ng Presinto 3 ang suspek na sumisideline sa pagtutulak na si Kiester Jay Dela Cerna Legazpi alyas Kadjo, 27-anyos, may asawa at isang Aircon Technician na residente naman sa nabanggit na barangay.

Base sa ulat, na wow mali na lamang ang suspek ng maaktuhan itong iniaabot sa poseur buyer na miyembro ng kapulisan ang ibinebenta nitong epektos.

Isang maliit na pakete na naglalaman ng shabu na may bigat na .01 gram ang nakumpiska sa suspek na may street value na P500.00.

Nasa kustodya na ng Presinto 3 ang suspek at inihahanda na ang kasong may kinalaman sa iligal na droga na RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban dito.