Natukoy na ang mga persons of interest sa serye ng pamamaril sa lungsod, ayon kay Mayor Bruce Matabalao.

Kasalukuyang nagsasagawa ng hot pursuit operation ang Cotabato City PNP upang madakip ang mga suspek.

Ayon sa alkalde, lalo pang pinaigting ng Philippine Marines ang kanilang pagpapatrolya matapos ang kanilang pag-uusap.

Hinimok din niya ang mga opisyal ng barangay na manatiling mapagmatyag at makipagtulungan sa pamahalaang lungsod at sa PNP upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa siyudad.

Samantala, pinabulaanan ni Mayor Matabalao ang mga kumakalat na alegasyon na araw-araw may nagaganap na pamamaril sa Cotabato City at na walang aksyon ang pulisya.

Aniya, hindi totoo na hindi prayoridad ng lokal na pamahalaan ang peace and order. “Huwag nating i-sensationalize at i-pulitika ang mga insidenteng ito. Sa halip, magkaisa tayo laban sa lahat ng uri ng kriminalidad sa ating lungsod,” ani ng alkalde.

Muli niyang pinaalalahanan ang mga mamamayan na manatiling mapagmatyag at makiisa sa pagsisikap ng pamahalaang lungsod upang mapanatili ang kapayapaan sa Cotabato City.