Tiniyak ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) sa publiko na magiging patas at walang kinikilingan ang pagpapatupad ng Election Ban ngayong panahon ng halalan.
Sa kanilang pahayag, iginiit ng PRO-BAR na kanilang tinatanggap ang mga puna at obserbasyon mula sa iba’t ibang peace-building groups, ngunit binigyang-diin nilang pangunahing prayoridad pa rin ang seguridad at kaligtasan ng mamamayan.
Batay sa datos ng PRO-BAR Election Monitoring Action Center, mula Enero 12 hanggang Pebrero 27, nakapagtala sila ng tatlong (3) validated Election-Related Incidents (ERIs). Bukod dito, nakapagsagawa rin ang mga awtoridad ng 294 operasyon na nagresulta sa 303 armas na isinuko at 10 pampasabog (explosives) na nakumpiska.
Kaugnay ng gun ban, nakapagtala rin ang PRO-BAR ng 36 na armas na nakumpiska at 34 katao na naaresto mula sa 32 operasyon.
Sa aspeto naman ng checkpoint operations, umabot na sa 60,669 ang naitalang Comelec checkpoints sa buong rehiyon, kabilang na rito ang mga pinagsanib na checkpoint ng AFP at PNP, pati na rin ang mga border control checkpoints.
Ayon sa PRO-BAR, ang mga datos na ito ay patunay ng epektibong pagpapatupad ng gun ban sa rehiyon.
Sa huli, hinikayat ng PRO-BAR ang publiko na huwag mag-atubiling magsumbong kung may reklamo o alalahanin kaugnay sa pagpapatupad ng checkpoints. Ito raw ay bahagi ng kanilang transparency at accountability, upang mapanagot ang sinumang opisyal na mapang-abuso sa kanilang tungkulin.