Nakuhanan ng video ang ilang lalaking nakamotor na may bitbit umanong mga bolo habang sinisira ang mga tarpaulin sa Cotabato City.
Ayon sa isang concerned netizen na tumangging magpakilala, kuha sa video ang mga nasabing lalaki na naka-hood at may takip sa mukha habang sinasadyang punitin at baklasin ang tarpaulin gamit ang mga hawak nilang bolo.
Kinuhanan umano ito sa iba’t ibang bahagi ng lungsod, kung saan paulit-ulit ang ginagawa ng grupo habang sakay ng motorsiklo.
Dahil dito, labis ang pangamba at pagkabahala ng mga residente, lalo’t hindi pa batid kung anong grupo o indibidwal ang nasa likod ng insidente, at kung ano ang layunin ng kanilang paninira.
Patuloy pa ang panawagan ng publiko sa mga awtoridad na imbestigahan ang insidente at tiyaking ligtas ang komunidad sa posibleng banta.