Patay na nang matagpuan ang isang babae at isang lalaki sa loob ng isang silid ng boarding house sa Del Pilar Street, Jerome Extension, Barangay R. Castillo, Agdao, Davao City.

Kinilala ng pulisya ang babaeng biktima na si “Jelai,” tinatayang nasa edad 23 hanggang 30, dalaga, nagtatrabaho bilang security guard sa isang BPO company, at residente ng Purok Mabuhay, Barangay Mabini, Koronadal City, South Cotabato.

Samantala, inaalam pa rin ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng lalaking biktima dahil wala itong dalang kahit anong pagkakakilanlan nang matagpuan. Tinatayang nasa edad 30 ito at may tattoo sa bahagi ng kanyang dibdib.

Kapwa nagtamo ng tama ng bala sa ulo ang dalawang biktima.

Batay sa kuha ng CCTV, pasado alas-3:00 ng madaling-araw nang pumasok si Jelai sa boarding house. Makalipas ang ilang minuto, sinundan siya ng isang lalaki. Ilang sandali pa, bandang alas-3:41 ng umaga, narinig na ang putok ng baril.

Narekober ng mga imbestigador sa crime scene ang isang 9mm na baril, dalawang basyo ng bala, dalawang cellphone, at isang motorsiklo.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya upang alamin ang tunay na dahilan ng pagkamatay ng dalawang biktima.