Hindi na makakapanumpa sa tungkulin ang isang bagong halal na konsehal matapos siyang mapatay sa pamamaril kahapon ng hapon sa Barangay Poblacion Datu Piang, Maguindanao del Sur.

Kinilala ng Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), sa pamamagitan ni PIO Lt. Col. Jopy Ventura, ang biktima na si Thong Mamasalanao Asim, 56 anyos, residente ng Datu Piang at bagong halal na miyembro ng Sangguniang Bayan.

Ayon sa ulat ng pulisya, binaril si Asim sa harap mismo ng kanyang tahanan. Isinugod pa siya sa pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang limang basyo ng hinihinalang .45 kalibreng baril. Ayon sa mga saksi, ang gunman ay nakasuot ng itim na pang-itaas, shorts, at sunglasses.

Patuloy ang hot pursuit operation ng mga awtoridad para madakip ang suspek, habang patuloy rin ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang motibo sa krimen.