Nakauwi na sa kanilang tahanan at ligtas sina Esmael Lindongan Manap, isang Barangay Kagawad ng Malingao sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur, at ang kanyang anak na si Arham, matapos umanong dukutin ng armadong grupo noong Mayo 27.

Ayon sa ulat mula sa Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), bandang alas-6:00 ng gabi nang sapilitang pasukin at dukutin ang mag-ama habang naghahanda ang mga ito para sa pagdarasal sa loob ng kanilang tahanan sa mismong barangay.

Kinilala ang mga umano’y dumukot na sina Kumander 30, kasama sina Kumander Malibuteng ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Kumander Mando ng 118th Base Command ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Sa kabila ng naranasang trauma at pananakit—kabilang na ang mga pasa at bugbog sa ulo—ligtas na naibalik ang mag-ama sa tulong ng pinagsanib na pwersa ng pulisya, lokal na pamahalaan (LGU), at ng Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (CCCH).

Kumpirmado ito ni Vice Mayor-elect Hadji Omping Ampatuan, na nagpahayag ng pasasalamat sa mabilis na aksyon ng mga kinauukulan para sa ligtas na pagbabalik ng mag-ama.