Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi sapat ang pagsusuot ng face mask bilang proteksyon laban sa monkeypox o mpox. Sa halip, mas mahalagang iwasan ang direktang physical contact tulad ng halikan at yakapan upang makaiwas sa sakit.
Ayon kay DOH spokesperson Dr. Albert Domingo, hindi airborne ang mpox kaya’t hindi ito naililipat sa hangin gaya ng COVID-19. “Puwede kang magsuot ng face mask, pero kung magki-kissing at hugging ka, maaari ka pa ring mahawa,” paliwanag ni Domingo.
Dagdag ng DOH, ang mpox ay naihahawa sa pamamagitan ng malapitang kontak sa balat, kabilang ang paghalik, pagyakap, at iba pang anyo ng skin-to-skin contact — kahit pa walang naganap na pakikipagtalik.
Bagamat may mga naitalang bagong kaso ng mpox sa bansa ngayong taon, iniulat ng DOH na mas mababa ito kumpara noong 2024. Lahat ng kaso sa Pilipinas ay classified bilang Clade II, na mas mild at hindi kasing nakakahawa kumpara sa Clade 1b, na siyang mas agresibong uri ngunit wala pa umanong naitatalang kaso nito sa bansa.
Pinabulaanan din ng DOH ang mga kumakalat na maling impormasyon tungkol sa posibleng lockdown dahil sa mpox. Tiniyak ng ahensya na patuloy ang kanilang monitoring at edukasyon para maiwasan ang panic at maling akala ng publiko.