Kinumpirma ng City Health Office na tatlong kaso ng Monkeypox o Mpox ang naitala sa lungsod mula Enero 2025. Ayon sa ulat, kabilang sa mga tinamaan ng naturang sakit ay isang 28-anyos na babae na nakarekober na, isang 72-anyos na lalaki na kasalukuyang naka-isolate sa kanilang tahanan, at isang 4 na taong gulang na batang lalaki na nananatili ring naka-home isolation.
Kaugnay nito, nanawagan ang City Health Office sa publiko na maging mapagmatyag sa mga sintomas ng Monkeypox. Kabilang sa mga unang palatandaan ay ang pagkakaroon ng lagnat, pananakit ng lalamunan, ubo, baradong ilong, pananakit ng katawan at matinding pagkapagod, at pananakit ng ulo. Ang pinakakilalang sintomas ng Mpox ay ang pagkakaroon ng mga pantal o butlig sa katawan, partikular sa mukha, loob ng bibig, kamay at paa, dibdib, ari, at puwet.
Hinikayat ng mga opisyal ng kalusugan ang mga mamamayan na agad magtungo sa pinakamalapit na barangay health station o tumawag sa City Health Office sa mga numerong 0927-396-5666, 425-66-79, o 429-21-30 sakaling makaranas ng alinman sa mga nabanggit na sintomas.
Bilang bahagi ng pag-iingat, pinapayuhan ang publiko na magsuot ng mahahabang damit upang matakpan ang balat, magsuot ng face mask lalo na sa matataong lugar, laging maghugas ng kamay gamit ang sabon at tubig o alcohol, umiwas sa siksikan, at maging maingat sa pakikipagtalik.
Tiniyak ng City Health Office na patuloy ang kanilang monitoring sa mga kaso at nananawagan ng kooperasyon mula sa publiko upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.