Magpapadala na ng liham ang Commission on Elections (COMELEC) sa pamahalaang Bangsamoro at kay Chief Minister Abdulraof Macacua upang ipabatid na bibigyan na lamang sila ng dalawang linggong palugit para sa pagpasa ng batas na tutugon sa pitong bakanteng upuan sa parliamento na orihinal na nakalaan sa lalawigan ng Sulu.
Ani Comelec Chairman George Garcia, kailangang simulan na ng komisyon ang mga teknikal at administratibong paghahanda para sa First Bangsamoro Parliamentary Elections na itinakda sa Oktubre 13.
Paliwanag niya, mahigpit ang timeline na kailangang sundin ng COMELEC para maisakatuparan ang halalan, kabilang dito ang paggawa at pagsusuri ng source code, pag-imprenta ng mga balota, at pagsuri sa mga Automated Counting Machine (ACM) na gagamitin sa buong rehiyon sa araw ng halalan.
“Pagkatapos ng second week, talagang wala ng magagawa ang commission. Taling-tali na ang kamay namin na talagang hindi na namin kaya na mag-adjust pa dahil automated election tayo and therefore we will proceed with only 73 seats diyan po sa magiging halalan sa parliyamento” Ani Garcia
Dagdag pa ni Garcia, handa nilang harapin ang anumang epekto ng pagpapatuloy ng halalan sa Oktubre kahit kulang pa upuan sa Parliyamento.