Kinumpirma ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) ng Ministry of Health – BARMM na wala nang naitalang bagong kaso ng pinaghihinalaang monkeypox kahapon, Hunyo 6, 2025.
Batay sa datos, umabot na sa kabuuang 45 ang kaso ng monkeypox sa rehiyon mula Mayo 5 hanggang Hunyo 6 ngayong taon. Sa nasabing bilang, 30 ang itinuturing na suspected cases, pito ang probable, at walo ang kumpirmado. Lahat ng suspected cases ay kasalukuyang hinihintay pa ang resulta ng kanilang mga laboratory test.
Samantala, mula Mayo 5 hanggang Hunyo 5, may 12 kaso ang nakumpirmang negatibo. Sa pinakahuling datos, nasa 40 porsyento ang positivity rate ng monkeypox sa buong BARMM.
Pinakamarami ang naitalang kaso sa Cotabato City na may 19, sinundan ng Maguindanao del Sur na may 14, Maguindanao del Norte na may 10, at lungsod ng Lamitan na may dalawang kaso.
Sa kabuuang bilang, anim na pasyente na ang nakarekober mula sa sakit, kung saan apat ay mula sa Maguindanao del Norte at dalawa mula sa Cotabato City. Wala namang naitatalang nasawi kaugnay ng monkeypox sa rehiyon sa kasalukuyan.
Ayon sa Ministry of Health, ang monkeypox ay isang sakit na nakahahawa ngunit maaaring maiwasan sa pamamagitan ng maayos na kalinisan sa katawan at pag-iingat sa pakikisalamuha, lalo na sa mga taong may sintomas.