Inaresto ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) BARMM ang apat na construction workers sa isang buy-bust operation sa loob ng kanilang pinaniniwalaang drug den sa compound ng Cotabato Regional and Medical Center (CRMC), Barangay Rosary Heights 10, Cotabato City, bandang alas-nuwebe ng gabi nitong Hunyo 5.
Kinilala ni PDEA BARMM Director Gil Cesario Castro ang mga suspek na sina “Abdul” (29 anyos), na itinuturing na pangunahing tagapamahala ng drug den, at sina “Erano” (26 anyos), “Raminie” (18 anyos), at “Rino” (25 anyos). Lahat sila ay nagtatrabaho bilang mga construction workers.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang labing-apat (14) na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang iligal na droga na may kabuuang timbang na limang gramo (5g) at tinatayang nagkakahalaga ng ₱34,000. Narekober rin ang perang ginamit sa operasyon at ilan pang kagamitan na may kaugnayan sa droga.
Dinala agad sa kustodiya ng PDEA BARMM ang mga naaresto, at sasampahan sila ng kasong paglabag sa ilalim ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.