Umabot na sa 46 ang kabuuang bilang ng mga kaso ng monkeypox o Mpox sa rehiyon ng Bangsamoro mula Mayo 5 hanggang Hunyo 8, 2025, ayon sa pinakahuling ulat ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit ng Ministry of Health–BARMM.

Sa mga kasong ito, walo ang kumpirmadong kaso, pito ang probable, at tatlumpu’t isa ang suspected cases na hinihintay pa ang resulta ng kanilang laboratory tests. May labingdalawa ring naitala na nagnegatibo sa pagsusuri.

Wala namang nadagdag na bagong suspected case kahapon, Hunyo 8. Sa ngayon, nananatili sa 40 porsyento ang Mpox positivity rate sa buong rehiyon.

Pinakamataas ang bilang ng mga kaso sa Cotabato City na may dalawampu, sinundan ng Maguindanao del Sur na may labing-apat, Maguindanao del Norte na may sampu, at ang lungsod ng Lamitan na may dalawang kaso.

Walo na ang mga gumaling mula sa sakit, apat mula sa Maguindanao del Norte at apat rin mula sa Cotabato City. Naiulat naman ang isang pagkamatay mula sa suspected cases sa Cotabato City.

Ayon sa Ministry of Health–BARMM, ang monkeypox ay nakakahawa ngunit maiiwasan ito sa pamamagitan ng tamang kalinisan at pag-iingat. Inirerekomenda ang pagtakip sa bibig kapag umuubo o bumabahing, pagpapanatili ng maayos na bentilasyon, regular na paghuhugas ng kamay gamit ang sabon o alcohol, at pag-iwas sa malapitang pakikisalamuha sa mga may sintomas ng sakit.

Dapat ding bantayan ang mga sintomas tulad ng pantal o sugat sa balat na may kasamang lagnat, pamamaga ng kulani, pananakit ng lalamunan, pananakit ng kalamnan at likod, sakit ng ulo, at panghihina ng katawan.