Umabot na sa 55 ang kabuuang kaso ng monkeypox sa Bangsamoro region mula Mayo 5 hanggang Hunyo 15, 2025, batay sa ulat ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit ng Ministry of Health–BARMM.
Sa nasabing bilang, 40 ang suspected cases, 7 ang probable, at 8 ang kumpirmadong kaso. Isa na lamang sa suspected cases ang hinihintay ang resulta ng laboratory test. Labinlima ang nagnegatibo na sa pagsusuri. Sa kabuuan, nasa 34 porsyento ang positivity rate sa rehiyon.
Pinakamarami ang kaso sa Cotabato City na may 23 suspected, 2 probable, at 2 confirmed cases. Sa Maguindanao del Sur, mayroong 8 suspected, 2 probable, at 3 kumpirmado. Sa Maguindanao del Norte, may 7 suspected, 3 probable, at 3 kumpirmadong kaso. Sa Lamitan City, may dalawang suspected cases at walang probable o kumpirmado.
Dalawampu’t dalawa na ang gumaling mula sa sakit. Siyam sa Cotabato City, lima sa Maguindanao del Sur, at walo sa Maguindanao del Norte. Isang hinihinalang pagkamatay dahil sa monkeypox ang iniimbestigahan sa Cotabato City.
Patuloy ang paalala ng Ministry of Health–BARMM sa publiko na maging maingat at sundin ang mga hakbang para makaiwas sa sakit. Ang monkeypox ay isang nakahahawang sakit, ngunit maaari itong maiwasan sa pamamagitan ng tamang kalinisan at pag-iwas sa kontak sa mga may sintomas.