Isang mapitagan at taos-pusong seremonya ng send-off ang isinagawa kahapon, Biyernes, Hunyo 20, 2025, sa punong himpilan ng 6th Infantry (Kampilan) Division ng Philippine Army bilang pagpupugay sa kabayanihang ipinamalas ni Corporal JR P. Baay, isang sundalong nasawi sa isang sagupaan sa Sultan Kudarat.
Si Cpl. Baay, miyembro ng Scout Platoon ng 37th Infantry (Conqueror) Battalion, ay nasawi sa enkwentro laban sa armadong grupong komunista sa Barangay Datu Ito Andong, Kalamansig, Sultan Kudarat noong madaling araw ng Hunyo 19.
Pinangunahan ni Major General Donald M. Gumiran, Commander ng 6ID at Joint Task Force Central, ang seremonya ng parangal. Kaniyang personal na iniabot ang Military Merit Medal, posthumous promotion, at pinansiyal na tulong kay Ginang Gina Baay, ang naiwang maybahay ng nasawing sundalo.
Dumalo rin sa seremonya ang mga opisyal ng 6ID na sina Brigadier General Patricio Ruben P. Amata, Colonel Ruben G. Aquino, Colonel Manuel Leo Q. Gador, at Division Sergeant Major Lyfrey H. Bascar. Nagpaabot din ng pakikiramay ang mga kinatawan ng military financial institutions at nangakong magbibigay ng karagdagang suporta sa pamilya ni Cpl. Baay.
Pinamunuan ni Division Chaplain Fr. Jake Bilbao ang funeral blessing, habang dumalo rin sa huling pagpupugay ang mga kasamahan ni Baay mula sa 37th Infantry Battalion sa pangunguna ni Lt. Col. Christopherson Capuyan.
Si Baay, 31 taong gulang at tubong Barangay Pisan, Kabacan, North Cotabato, ay kilala sa palayaw na “Balong.” Bukod sa pagiging masigasig na sundalo, siya ay isang mapagmahal na asawa, ama, at panganay na anak sa apat na magkakapatid.
Sa sagupaang ikinasawi ni Cpl. Baay, napatay rin ang tatlong mataas na lider ng kalaban. Nakumpiska rin ng militar ang ilang kagamitang pandigma at personal na gamit.
Nagpahatid ng pakikiramay si Brigadier General Michael Santos, Commander ng 603rd Infantry Brigade, at tiniyak ang pagpapatuloy ng operasyon laban sa natitirang mga rebelde. Siniguro rin niya ang maayos at makataong paglilibing sa mga napatay na miyembro ng armadong grupo.
Sa kaniyang mensahe, muling nanawagan si Maj. Gen. Gumiran sa mga natitirang miyembro ng rebeldeng grupo na isuko na ang kanilang armas at yakapin ang kapayapaan.