Trahedya ang sinapit ng isang ulama matapos pagbabarilin at mapatay habang papunta sa Masjid para sa Salatul Jumu’ah, dakong alas-11:30 ng umaga ngayong Biyernes, Hunyo 20, 2025.
Kinilala ang biktima na si Aleem Salahodin Saguila, nasa hustong gulang at residente ng nasabing lalawigan.
Ayon sa mga nakasaksi, naglalakad na umano ang biktima patungo sa Masjid upang magsagawa ng khutbah nang bigla itong lapitan ng hindi pa nakikilalang suspek at pagbabarilin sa di malamang dahilan.
Dahil sa tinamong mga tama ng bala, agad siyang binawian ng buhay sa pinangyarihan ng insidente.
Ang kanyang mga labi ay agad na inilibing sa parehong araw alinsunod sa kaugalian at paniniwala ng Islam.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente at inaalam ang motibo sa likod ng pamamaril. Patuloy rin ang panawagan ng kanyang pamilya para sa agarang pagkamit ng hustisya.