Tututukan ng bagong talagang Regional Director ng Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) na si Police Brigadier General Jaysen De Guzman ang mga pangunahing hamon sa seguridad sa rehiyon.
Sa kanyang unang pahayag, tiniyak ni De Guzman ang mahigpit na pagsunod sa mga direktiba ni PNP Chief PGen. Nicolas Torre III, kabilang na ang pagpapatupad ng tuloy-tuloy na police visibility sa mga lansangan—isang hakbang na inaasahang makababawas sa insidente ng kriminalidad at kaguluhan.
Ipinag-utos din ni De Guzman ang agarang pagpapatupad sa 5-minute response order sa lungsod ng Cotabato, katulad ng ipinatutupad sa ilang bahagi ng Metro Manila, upang mapabilis ang pagtugon sa mga insidente ng krimen.
Dagdag pa rito, kasalukuyan na ring pinag-aaralan ng opisyal ang bilang ng mga pulis sa bawat himpilan, upang matiyak na sapat ang puwersang tutugon sa mga banta sa seguridad at makapigil sa mga kaso ng pamamaril at karahasan.
Bukod sa mga hakbang na ito, sinabi ni De Guzman na kabilang sa kanyang paghahanda ang seguridad para sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections na nakatakdang ganapin ngayong Oktubre.
Sa huli, nanawagan si De Guzman ng pakikiisa mula sa mamamayan upang makamit ang layuning mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong rehiyon ng BARMM.