Dumalo si Al Haj Murad Ebrahim, Chairman ng MILF Central Committee at Presidente ng United Bangsamoro Justice Party, sa isang mahalagang internasyonal na workshop na ginanap noong Hunyo 20, 2025 sa Turkey.

Ang workshop na may temang “Moro Peace Process: Conflict Resolution and Mediation” ay inorganisa ng Humanitarian Relief Foundation o IHH, katuwang ang INSAMER, isang strategic studies center. Layunin nitong balikan at palakasin ang usapang pangkapayapaan at pagbahagi ng mga estratehiya para sa mga post-conflict na rehiyon, partikular na sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.

Kasama ni Chairman Murad ang ilang pambansa at panrehiyong lider sa pagtitipon na ito, na nakatuon sa pagpapanatili ng kapayapaan, moral governance, at katarungan para sa Bangsamoro.

Ayon kay Murad, mahalaga ang patuloy na suporta ng mga international partners upang mapanatili ang kapayapaang naabot sa pamamagitan ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro o CAB, na nilagdaan noong 2014 ng gobyerno ng Pilipinas at MILF.

Ang IHH ay naging mahalagang katuwang sa prosesong ito bilang independent observer at mediator simula pa noong negosasyon ng kapayapaan.

Layunin ng workshop na maging plataporma para sa dayalogo at pag-aaral mula sa iba’t ibang karanasan sa peacebuilding sa buong mundo.

Patunay din umano ang partisipasyon ng mga internasyonal na organisasyon ng lumalawak na suporta para sa pangmatagalang kapayapaan, pagkakasundo, at inklusibong pag-unlad sa rehiyon ng Bangsamoro.