Inanyayahan si Moro Islamic Liberation Front (MILF) Chairman Al Haj Murad Ebrahim ng iba’t ibang organisasyon at opisyal sa Istanbul, Türkiye, bilang pagkilala sa kanyang matatag na prinsipyo, pasensya, at dedikasyon sa pagpapanatili ng kapayapaan sa Bangsamoro Region.
Matagal nang katuwang ng MILF ang Türkiye sa proseso ng kapayapaan, at nagsagawa na rin ito ng mga programa sa pag-unlad sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.
Isa sa mga pangunahing opisyal na nakipagpulong kay Chairman Murad ay si İsrafil Kışla, Chief Counselor ni Pangulong Recep Tayyip Erdoğan. Tinalakay nila ang kasalukuyang kalagayan ng rehiyon at muling ipinahayag ang suporta ng Türkiye sa pamumuno ni Murad.
Sa kabila ng ilang kontrobersiya sa rehiyon, nananatiling positibo si Chairman Murad na maisasakatuparan ang mga layunin ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro o CAB-isang kasunduang nilagdaan ng MILF at ng pamahalaan ng Pilipinas bilang sagot sa matagal na pagnanais ng kapayapaan at kaunlaran ng Bangsamoro people.
Naniniwala si Chairman Murad na sa tulong ng mga lokal at internasyonal na katuwang, patuloy na maisusulong ang kapayapaan at mga reporma sa Bangsamoro.