Sugatan ang isang 19-anyos na lalaki matapos bugbugin ng magkapatid na lalaki sa isang inuman sa Ilagan City, Isabela.
Kinilala ang biktima bilang si alyas “Johnson,” 19-anyos, residente ng nabanggit na barangay. Samantalang ang mga suspek ay kinilalang sina alyas “Bryan,” 21-anyos, at alyas “Jayvin,” 16-anyos — magkapatid at kapwa residente rin ng lugar.
Ayon sa impormasyon, magkakasamang nag-iinuman ang tatlo nang bigla na lamang mag-init ang ulo ng isa sa mga suspek matapos sabihan ng biktima ng mga salitang, “You’re so ugly.” Itinuturing na ito ang naging mitsa ng gulo.
Hindi nagustuhan ng magkapatid ang biro o panlalait umano ng biktima, kaya’t nauwi ito sa pisikal na pananakit.
Pinagtulungan umano ng magkapatid ang biktima hanggang sa magtamo ito ng ilang sugat at galos sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Agad namang rumesponde ang mga pulis sa insidente at naaresto ang dalawang suspek.
Sa ngayon, hawak na sila ng mga awtoridad at posibleng maharap sa kasong physical injury.
Patuloy ang paalala ng mga otoridad sa publiko na iwasan ang mga mapanirang salita o biro lalo na kapag nasa ilalim ng impluwensya ng alak upang maiwasan ang ganitong insidente.