Doble ang dagok na kinakaharap ngayon ng mga magsasaka sa Camalig, Albay.

Bukod sa nararanasang krisis sa agrikultura, natabunan pa ng abo mula sa Bulkang Mayon ang kanilang mga pananim, na lalo pang nagpabigat sa kanilang kalagayan.

Dahil dito, nananawagan si Camalig Mayor Caloy Baldo ng karagdagang tulong mula sa pambansang pamahalaan upang agad na matulungan ang mga apektadong magsasaka.

Ayon kay Baldo, hinihiling ng lokal na pamahalaan ang dagdag na suporta para sa relief at iba pang ayuda habang sinisimulan ang mga hakbang para sa pagbangon at rehabilitasyon ng sektor ng agrikultura sa kanilang bayan.