Isang tauhan ng Philippine Navy ang nasugatan matapos umanong hampasin ng kahoy na baton ng isang miyembro ng China Coast Guard (CCG) sa panibagong insidente sa Ayungin Shoal kahapon July 20, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa pahayag ng AFP, isang rigid hull inflatable boat (RHIB) ng China Coast Guard na may walong sakay mula sa barkong CCGV 21560 ang umano’y iligal na lumapit sa BRP Sierra Madre at umikot sa paligid nito habang kumukuha ng mga larawan at video.
Dahil dito, rumesponde ang dalawang rubber boat ng AFP upang paalisin ang naturang sasakyang-pandagat sa paraang mahinahon at hindi komprontasyonal.
Gayunman, ayon sa AFP, naging marahas umano ang naging tugon ng mga tauhan ng China Coast Guard matapos hampasin sa ulo ng kahoy na baton ang isang tauhan ng Philippine Navy. Nasira rin umano ang isa sa mga rubber boat ng hukbong dagat sa insidente.
Agad namang binigyan ng paunang lunas ang sugatang sundalo habang nakikipag-ugnayan ang Western Command sa BRP Sierra Madre upang matukoy ang lawak ng kanyang pinsala at kung kinakailangan siyang ilikas para sa karagdagang gamutan.
Iginiit ng AFP na nanatiling kalmado at propesyonal ang kanilang mga tauhan at sumunod sa umiiral na Rules of Engagement habang isinasagawa ang kanilang lehitimong misyon sa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Binigyang-diin din ng AFP na magpapatuloy ang kanilang lawful presence at sustainment operations sa Ayungin Shoal at hindi sila magpapatinag sa anumang uri ng pamimilit o agresyon. Nanawagan din ito sa China Coast Guard at People’s Liberation Army na itigil ang umano’y iligal at mapanganib na mga kilos sa West Philippine Sea at igalang ang 2016 Arbitral Award.

















