Patuloy na binabantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration ang paggalaw ng Tropical Storm Domeng (international name: Jangmi) matapos mamataan ang sentro nito bandang alas-3:00 ng madaling araw ngayong Biyernes May 29, 2026 sa layong 1,360 kilometro silangan ng Southeastern Luzon.
Batay sa inilabas na weather bulletin, taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 75 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 90 kilometro kada oras. Kumikilos ito pahilagang-kanluran o northwestward sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Ayon sa ahensya, nakaaapekto rin ang trough o extension ng bagyong Domeng sa ilang bahagi ng bansa habang patuloy ding umiiral ang southwesterly windflow o habagat sa kanlurang bahagi ng Visayas at Mindanao, kabilang ang ilang lugar sa Palawan.
Inaasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Eastern Visayas at Caraga bunsod ng trough ng bagyo, kung saan posible ang pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang minsang malakas na pag-ulan.
Samantala, makararanas din ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Western Visayas, Negros Island Region, Zamboanga Peninsula, SOCCSKSARGEN, BARMM, Lanao del Norte at Palawan dahil sa southwesterly windflow, na maaari ring magdulot ng flash floods at landslide sa mga apektadong lugar.
Sa kabilang banda, inaasahan naman ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa dahil sa localized thunderstorms. Nagbabala ang mga awtoridad sa posibilidad ng pagbaha o pagguho ng lupa tuwing malalakas na thunderstorms.
Pinapayuhan ang publiko na manatiling alerto at patuloy na subaybayan ang mga susunod na weather advisory at updates mula sa PAGASA.

















