Minonitor ng Bangsamoro Human Rights Commission o BHRC-BARMM ang kalagayan ng mga internally displaced persons o IDPs sa ilang barangay ng Tugunan ngayong araw Setyembre 23.

Kabilang sa mga lugar na pinuntahan ng komisyon ang Barangay Manaulanan, Balong at Macabual, kung saan sinuri ang kalagayan at mga pangangailangan ng mga pamilyang napilitang lumikas dahil sa tensyon.

Nakipagpulong din ang BHRC-BARMM sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, Local Social Welfare and Development Office, isang miyembro ng Sangguniang Bayan at iba pang kawani ng lokal na pamahalaan.

Kasunod nito, tinungo ng komisyon ang mga itinalagang evacuation area upang makita ang kasalukuyang kalagayan ng mga lumikas.

Patuloy naman ang koordinasyon ng mga kinauukulang tanggapan at lokal na stakeholders para matugunan ang pangangailangan at kaligtasan ng mga apektadong komunidad.