Walang magiging pagbabago sa nakatakdang state visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Canada sa kabila ng isinagawang surprise rally ng Iglesia ni Cristo (INC) sa EDSA nitong Martes.
Ayon kay Presidential Communications Office Secretary Dave Gomez, tuloy pa rin ang pag-alis ng Pangulo patungong Vancouver, Canada, alinsunod sa kanyang opisyal na iskedyul.
Sa naturang pagbisita, pangungunahan ni Pangulong Marcos ang serye ng business forums at makikipagpulong sa mga Canadian investors upang hikayatin ang mas maraming pamumuhunan sa Pilipinas.
Kabilang sa mga pangunahing sektor na nais palakasin ng administrasyon ang information technology (IT), imprastraktura, at enerhiya, na inaasahang magbubukas ng mas maraming oportunidad para sa ekonomiya at trabaho ng mga Pilipino.
Ang state visit na ito ang kauna-unahang opisyal na pagbisita ng isang Pangulo ng Pilipinas sa Canada sa loob ng mahigit isang dekada at itinuturing na mahalagang hakbang upang higit pang mapagtibay at mapalalim ang matagal nang ugnayan ng Pilipinas at Canada sa larangan ng kalakalan, pamumuhunan, at diplomasya.

















