Dalawang panukalang batas sa Bangsamoro Parliament ang naglalayong amyendahan ang Bangsamoro Electoral Code at Bangsamoro Local Governance Code sa pamamagitan ng pag-aalis ng mga probisyong naglilimita sa pagtakbo at nominasyon ng mga kandidato batay sa ugnayang pampamilya.

Layunin ng mga panukala na amyendahan ang Bangsamoro Autonomy Act No. 35 o Bangsamoro Electoral Code, at Bangsamoro Autonomy Act No. 49 o Bangsamoro Local Governance Code, na kasalukuyang nagbabawal sa mga kandidatong may malapit na kamag-anak sa mga incumbent officials sa iisang lugar na tumakbo o ma-nominate.

Sa ilalim ng panukalang amyenda sa Local Governance Code, tatanggalin ang Section 45(g) na nagdidisqualify sa mga kandidatong may kamag-anak sa loob ng ikalawang civil degree ng consanguinity o affinity sa mga nakaupong opisyal sa parehong lokalidad.

Lilinawin din ng panukala ang pag-alis ng karagdagang diskwalipikasyon sa Sangguniang Kabataan candidates na may kaugnayan sa mga national, regional, provincial, city, municipal, at barangay officials.

Sa kasalukuyang batas, bawal tumakbo ang mga indibidwal na may ganoong uri ng relasyon sa mga incumbent officials sa iisang lugar, at required ding ideklara ito sa certificate of candidacy.

Kung maaaprubahan, tuluyang aalisin ang mga family-based disqualification provisions sa Local Governance Code.

Samantala, isa pang panukala ang naglalayong amyendahan ang Article III, Section 9 ng Bangsamoro Electoral Code sa pamamagitan ng pag-alis ng probisyon na nagbabawal sa political parties na mag-nominate ng mga kandidatong magkakamag-anak sa loob ng ikalawang civil degree.

Kasama rin sa kasalukuyang probisyon ang diskwalipikasyon sa mga nominee na may parehong uri ng relasyon sa isa’t isa sa loob ng isang partido.

Ayon sa mga may-akda ng panukala, ang pag-aalis ng mga probisyon ay hindi pagtalikod sa laban kontra political dynasties kundi pagsunod sa constitutional framework at legal clarity, dahil ang pagdedeklara at regulasyon ng political dynasties ay nasa hurisdiksyon ng Kongreso.

Giit pa ng mga mambabatas, ang 1987 Konstitusyon ay nagsasaad na ang political dynasties ay dapat ipagbawal “as may be defined by law,” ngunit wala pa ring national enabling law na naipapasa hinggil dito.

Ibinangon din nila ang isyu ng equal protection, kung saan ang kasalukuyang restriksyon ay umiiral lamang sa BARMM at maaaring makaapekto sa karapatan ng mga kwalipikadong kandidato at botante.

Iginiit ng mga may-akda na ang pag-aalis ng naturang mga probisyon ay hindi pag-abandona sa anti-dynasty principle, kundi pag-aatubili sa Kongreso na bumuo ng isang komprehensibong pambansang batas na pantay na ipatutupad sa buong bansa, kabilang ang BARMM.