Nagsagawa ng oversight hearing ngayong Martes ang Committee on Finance, Budget, and Management (CFBM) ng Bangsamoro Parliament upang busisiin ang pagpapatupad ng mga programa ng Ministry of Trade, Investments and Tourism (MTIT), gayundin ang naging paggamit sa P270 milyong pondong unang inilaan para sa Bangsamoro Economic Zone Authority (BEZA).

Ayon kay CFBM Chairperson Atty. Kitem Kadatuan Jr., isa sa mga pokus ng pagdinig ang ulat ng MTIT tungkol sa progreso ng kanilang mga programa, proyekto, at iba pang inisyatiba na nakapaloob sa Fiscal Year 2026 budget.

Kasama rin sa tinitingnan ng komite ang desisyon na ilipat ang P270 milyong pondo na nakalaan sana para sa BEZA patungo sa iba pang programa at proyekto ng pamahalaan, upang matiyak kung naaayon ito sa itinakdang layunin at polisiya.

Sa pamamagitan ng naturang pagdinig, layon ng Bangsamoro Parliament na masiguro ang maayos at responsable nitong paggamit ng pondo ng bayan, habang sinusuri rin ang bisa at progreso ng mga programang pinondohan sa ilalim ng badyet ng Bangsamoro.