“BARMM Chief Minister Ahod Ebrahim pa rin at sana siya pa rin ang maging Chief Minister sa taong 2025.”

Ito ang laman at kahilingan ng mga dumalo kahapon sa isinagawang pagpupulong at asembliya ng Moro Islamic Liberation Front o MILF sa Camp Darapanan, Sultan Kudarat sa Maguindanao Norte.

Ayon sa mga ito, naniniwala sila na kailangan na maipagpatuloy ang magandang nasimulan sa rehiyon at ito ay maipagpapatuloy kung sakaling si Chief Minister Ebrahim muli ang maihahalal na punong ministro ng rehiyon.

Sa kabilang dako, nagpasalamat naman ang punong ministro sa mga nakakataba ng puso na mensahe at suporta at sinabi nito na hindi aniya ekslusibo sa kanilang partido ang pwesto kundi aniya, ang mahalaga ay MILF pa rin ang mamumuno sa BARMM sa susunod na taon.

Sa kabilang banda aniya, ang mga naturang mensahe at suporta ay pagpapatotoo na kuntento ang Bangsamoro sa ibinibigay na serbisyo ng pamahalaan.

Ayon naman kay UBJP Vice Chairman Mohagher Iqbal, napagkasunduan at napagpulungan na nila na wala silang ipapalit kay CM Ahod dahil wala aniyang ibang bagay sa naturang pwesto kundi si Ebrahim lamang.

Dagdag pa ni Iqbal, si Ebrahim aniya ang kwalipikado dahil ito ay may track record na sa mabuting pamamahala.