Iminungkahi ng Commission on Elections (COMELEC) sa Philippine National Police (PNP) ang agarang pagtanggal sa puwesto ng tatlong opisyal nito na nakatalaga sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ito’y matapos umanong mabigo ang mga naturang opisyal na agarang tugunan ang kahilingan ng isang election officer mula sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte na humihingi ng karagdagang seguridad bago siya pinaslang.
Ayon sa COMELEC, ilang ulit nang humingi ng tulong ang biktima ngunit hindi ito nabigyan ng kaukulang proteksyon, bagay na nagdudulot ngayon ng seryosong usapin hinggil sa pananagutan at kaligtasan ng mga opisyal ng halalan sa rehiyon.