Ilalabas na ngayong Oktubre ang allowances at operational funds ng mga miyembro ng Joint Peace and Security Teams o JPST, ayon sa Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity o OPAPRU.
Naaprubahan at na-download na sa Armed Forces of the Philippines o AFP ang kinakailangang pondo para sa lahat ng 24 na deployed JPST teams sa Mindanao ngayong Setyembre.
Pinoproseso na ng mga implementing partner ang disbursement ng pondo para sa mga tauhan ng JPST.
Samantala, inaayos din ng OPAPRU ang delayed releases para sa mga benepisyaryo ng Educational Assistance Program o EAP para sa mga anak at next-of-kin ng decommissioned combatants ng Moro Islamic Liberation Front o MILF.
Nakikipag-ugnayan ang ahensya sa Task Force for Decommissioned Combatants and their Communities, mga kinatawan ng MILF at Department of Social Welfare and Development o DSWD case managers para mapabilis ang compliance requirements, enrollment verification at document clearing sa mga concerned universities.
Layunin nitong maipalabas agad ang mga nakabinbing scholarship allowances para sa Fiscal Year 2025 beneficiaries.
Rerepasuhin din ng OPAPRU ang sistema ng pag-release ng pondo upang maiwasan ang mga administrative delay at mapabilis ang direktang pag-download ng pondo sa operational units at beneficiary accounts.

















