Personal na nakipagpulong si DepEd Secretary Sonny Angara sa mga guro at personnel ng San Jose National High School sa Tacloban City upang kumustahin ang kanilang kalagayan matapos ang naganap na insidente sa paaralan.

Sa pagbisita ni Angara, tiniyak niya ang agarang pagbibigay ng psychosocial support para sa mga guro at kawani na naapektuhan ng insidente. Inanunsiyo rin niya ang pagtatalaga ng mga guidance counselor upang matulungan ang mga mag-aaral na maproseso at makayanan ang emosyonal na epekto ng pangyayari.

Ayon sa kalihim, mahalagang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga guro, kawani, at mag-aaral habang patuloy ang pagbangon ng komunidad ng paaralan mula sa trahedya.