DARKNESS. A couple ate their dinner using candles as a source of light when Kidapawan City was struck with eight hours brownout starting this week. Beside Kidapawan City, the rest of Mindanao also suffer brownouts ranging from two to five hours a day. MindaNews photo by Geonarri Solmerano

Posibleng magpatuloy ang mga rotational blackout o pansamantalang brownout ngayong taon dahil sa epekto ng El Niño, ayon sa Department of Energy (DOE).

Sinabi ng DOE na maaaring makaranas ng yellow at red alerts ang Luzon at Visayas sa mga susunod na buwan. Kapag nangyari ito, posible ring tumaas ang singil sa kuryente pagsapit ng Hunyo.

Sa tala ng ahensya, inaasahan pang magkakaroon ng isang yellow alert sa Luzon. Samantala, pitong yellow alerts ang maaaring maranasan sa Visayas at anim naman sa Mindanao. May posibilidad din ng anim na red alerts sa Visayas lalo na tuwing gabi kung kailan mataas ang konsumo ng kuryente.

Ipinaliwanag ni Energy Undersecretary Felix William Fuentebella na ang yellow alert ay senyales na manipis na ang reserbang suplay ng kuryente, habang ang red alert naman ay indikasyon na kulang na ang produksyon upang tugunan ang pangangailangan ng mga konsumer.

Ayon naman kay Undersecretary Rowena Cristina Guevara, maaaring magresulta ang mga alertong ito sa pagtaas ng presyo ng kuryente.

Sa kabila nito, tiniyak ng gobyerno na gumagawa sila ng hakbang upang mapalakas ang mga pangunahing linya ng kuryente at nakikipag-ugnayan sa mga power generation companies upang mapanatiling matatag ang suplay ng kuryente sa bansa.