Patay ang isang driver habang sugatan ang isang 10-anyos na estudyante matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Sitio Proper, Barangay Pamalian, Tugunan, Special Geographic Area o SGA ng BARMM noong Agosto 17, 2026.
Ayon kay PRO BAR Public Information Officer Police Captain Steffi P. Salanguit, kinilala ang nasawing biktima na si Rasid T. Bada, nasa hustong gulang, may asawa, isang driver at residente ng Barangay Manaulanan, SGA-BARMM.
Sugatan naman ang 10-anyos na batang babae na kinilala sa alyas na Aisha, isang estudyante at residente rin ng Barangay Manaulanan.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Tugunan Municipal Police Station, sakay ng itim na Honda XRM 125 motorcycle ang mga biktima at patungo sana sa paaralan upang ihatid ang bata nang umano’y sundan sila ng hindi pa nakikilalang suspek o mga suspek.
Nagpaputok umano ng ilang beses ang suspek o mga suspek bago mabilis na tumakas sa hindi pa matukoy na direksyon.
Dinala ng mga bystander ang dalawang biktima sa Cruzado Medical Hospital sa Pikit, North Cotabato para sa agarang atensyong medikal.
Gayunman, idineklarang dead on arrival si Bada, habang nakaligtas ang 10-anyos na bata ngunit nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang balikat.
Limang basyo ng bala na pinaniniwalaang mula sa .45 caliber na baril ang naitala sa crime scene.
Ipinadala ang mga ito sa Regional Forensic Unit ng BAR para sa ballistic examination at kaukulang pagsusuri.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek o mga suspek, ang motibo sa pamamaril at iba pang detalye ng insidente.
Samantala, nagsagawa na ng hot pursuit operation ang Tugunan MPS kasama ang Alpha Company ng 40th Infantry Battalion para tugisin ang mga suspek.
Sa ngayon, hindi pa natutukoy ang motibo sa pamamaril.

















