Nagdudulot ng maulap na kalangitan, kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang trough o ekstensyon ng Tropical Depression sa silangang bahagi ng Visayas at Mindanao.
Kabilang sa maaapektuhan ang Eastern Visayas, Caraga, Davao Oriental, Misamis Oriental at Camiguin, kung saan posible ang pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan.
Ayon sa tala alas-3 kaninang madaling-araw, nasa labas ng Philippine Area of Responsibility ang Tropical Depression, na namataan 1,920 kilometro silangan ng Southeastern Luzon.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro kada oras malapit sa sentro at pagbugsong hanggang 70 kilometro kada oras, habang kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.
Samantala, bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulo-pulong pag-ulan at thunderstorms ang inaasahan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa dahil sa localized thunderstorms.
Sa BARMM, umiiral ang localized thunderstorms sa buong rehiyon, kaya asahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pulo-pulong pag-ulan, pagkulog at pagkidlat.
Posible rin ang pagbaha at pagguho ng lupa sa mga lugar na makakaranas ng malakas na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat.

















