Nagtaas ng El Niño Alert ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration matapos lumakas ang posibilidad ng pagbuo ng El Niño sa mga susunod na buwan, na inaasahang magdudulot ng mas mainit at mas tuyong panahon sa malaking bahagi ng bansa.
Ayon sa ahensya, posibleng maranasan ang above normal heat temperature, kasabay ng extended dry season kung saan mas mababa sa normal ang inaasahang pag-ulan. Dahil dito, inaasahang lubhang maaapektuhan ang sektor ng agrikultura, partikular ang mga magsasaka na nakadepende sa regular na ulan.
Binigyang-diin din ng PAGASA na posible ang drought conditions dahil sa inaasahang kakulangan sa rainfall sa mga susunod na buwan.
Sa kabila nito, posibleng mas kaunti ang bilang ng mga bagyo na papasok sa bansa, ngunit paalala ng ahensya na kung may mabubuong tropical cyclone, maaari itong maging mas malalakas at mapaminsala, tulad ng nangyaring Super Typhoon Yolanda noong 2013.
Patuloy ang monitoring ng PAGASA sa lagay ng panahon habang hinihikayat ang publiko at mga ahensya ng pamahalaan na maghanda sa posibleng epekto ng El Niño.

















