Nagsagawa ng isang community outreach activity ang mga kinatawan ng National Police Commission BARMM katuwang ang Cotabato City Police Office bilang bahagi ng programang “GOODJAO para sa Kinabukasan ng mga Kabataang Badjao” sa ilalim ng inisyatibong “Lectures for Badjao” ngayong Sabado, July 11, sa Cotabato City.
Pinangunahan ang aktibidad ni NAPOLCOM BARMM Regional Director Atty. Fahd A. Candao sa pamamagitan ng kanyang kinatawan na si Atty. Fred Jeush D. Tangonan, katuwang ang Cotabato City Police Office sa ilalim ng pamumuno ni City Director PCOL Jibin M. Bongcayao.
Isinagawa ang lecture session sa Kutawato Greenland Initiatives, Inc. Training Hall sa Mahad Street, Cotabato City, sa pangunguna ng mga tauhan ng Community Affairs and Development Unit ng CCPO kasama ang mga miyembro ng Police Community Relations personnel mula sa Police Station 1 at Police Station 2.
Layon ng programa na mapalawak ang kaalaman ng mga kabataang Badjao na kasalukuyang nag-aaral sa lungsod, kasabay ng pagpapatibay ng ugnayan sa pagitan ng mga ahensiya ng pamahalaan, kapulisan at ng komunidad ng mga katutubong Badjao.
Sa pamamagitan ng mga talakayan, binigyang-diin ng mga organizer ang kahalagahan ng edukasyon, pakikilahok ng komunidad, at paghubog ng kamalayan upang magkaroon ng mas ligtas, inklusibo at maunlad na lipunan para sa mga kabataan.
Bilang bahagi ng programa, namahagi rin ng educational materials at pagkain sa mga kalahok na mag-aaral na mula sa suporta ng NAPOLCOM BARMM upang higit na makatulong sa kanilang pag-aaral at pakikilahok sa aktibidad.

















