Nagkasundo ang Government of the Philippines o GPH at MILF Peace Implementing Panels na ipagpatuloy ang diyalogo at pagtutulungan para sa peace process sa Bangsamoro.
Ito ay matapos ang kanilang naging “fruitful and constructive meeting” sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Ayon sa GPH Peace Implementing Panel, pinuri nito ang MILF Panel Chair Mohagher M. Iqbal sa pagiging bukas sa talakayan, respeto sa magkabilang panig at patuloy na commitment sa pagsusulong ng kapayapaan sa Bangsamoro.
Nagpasalamat din ang GPH panel sa mga miyembro ng MILF panel, kanilang mga secretariat, at iba pang peace process partners na naging bahagi ng pagpupulong.
Kabilang sa binigyang-pasasalamat ang Third Party Facilitator na si Prof. Gen. Tan Sri Dato’ Seri Panglima Haji Zulkifli bin Zainal Abidin, gayundin ang Third Party Monitoring Team, Independent Decommissioning Body at International Contact Group.
Sinabi ng GPH panel na layunin nitong maisalin sa konkretong aksyon ang mga napag-usapan at napagkasunduan, habang ipinagpapatuloy ang diyalogo, tiwala at partnership para sa kapayapaan sa Bangsamoro at buong bansa.

















