Isang mahalagang hakbang tungo sa pangmatagalang kapayapaan ang naitala sa lalawigan ng Agusan del Norte matapos sumuko ang huling aktibong miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) sa lugar.

Photo from Kalinaw News

Kinilala ang sumukong rebelde bilang si Jerry Marapao Deligero, alyas “Adao-Adao,” na dating kabilang sa North Central Mindanao Regional Committee.

Kusang-loob niyang isinuko sa mga awtoridad ang kanyang mga baril at mga bala kasabay ng kanyang pagbabalik-loob sa pamahalaan.

Ayon sa ulat ng 23rd Infantry (Masigasig) Battalion ng Philippine Army, bunga ito ng tuloy-tuloy na operasyon militar at pakikipag-ugnayan ng pamahalaan kasama ang Provincial Government ng Agusan del Norte at Lokal na Pamahalaan ng Buenavista.

Ibinahagi ni Deligero na matinding gutom, hirap sa pamumuhay, at pisikal na pagkapagod ang nagtulak sa kanya upang tuluyang talikuran ang armadong pakikibaka. Naging daan din umano ang kaalaman tungkol sa mga programang reintegration ng gobyerno at ang paghina ng kanilang organisasyon upang piliin niya ang mapayapang pamumuhay.

Binigyang-diin naman ni Lieutenant Colonel Glennford C. Libre, Commanding Officer ng 23rd Infantry Battalion, na patuloy ang paninindigan ng pamahalaan na wakasan ang insurgency at tulungan ang mga dating rebelde na makabalik sa lipunan.

Sa kasalukuyan, sasailalim si Deligero sa proseso para sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP katuwang ang lokal na pamahalaan upang matulungan siyang makapagsimula ng bagong buhay.

Ayon sa militar, ang pagsuko ni Deligero ay itinuturing na malaking tagumpay sa pagsusulong ng kapayapaan at kaayusan sa Agusan del Norte.