Niyanig ng magnitude 5.1 na lindol ang karagatang sakop ng Baganga, Davao Oriental, alas-7:06 ng umaga nitong Hulyo 28, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Ayon sa PHIVOLCS, naitala ang sentro ng lindol 15 kilometro timog-silangan ng Baganga, Davao Oriental, sa lalim na 28 kilometro.
Naitala ang Intensity III sa mga bayan ng Tarragona, Davao Oriental; Nabunturan, Davao de Oro; Lungsod ng Digos, Davao del Sur; Lungsod ng Bislig, Surigao del Sur; at Talacogon, Agusan del Sur.
Intensity II naman ang naramdaman sa mga bayan ng Maco, Compostela, Montevista, at Mawab sa Davao de Oro, habang Intensity I ang naitala sa Lungsod ng Tandag, Surigao del Sur.
Sa instrumental intensities, naitala ang Intensity III sa Nabunturan, Davao de Oro; Intensity II sa Lungsod ng Digos, Davao del Sur; at Intensity I sa Lungsod ng Davao, Santa Maria sa Davao Occidental, Matanao at Magsaysay sa Davao del Sur, Malungon sa Sarangani, Tupi sa South Cotabato, San Fernando sa Bukidnon, at Lungsod ng Kidapawan at Magpet sa Cotabato.
Ayon sa PHIVOLCS, walang inaasahang pinsala mula sa lindol, ngunit posible ang mga aftershock.

















