Patuloy na mino-monitor ng PAGASA ang Low Pressure Area (LPA) at Tropical Storm “Hagupit” na parehong nakaaapekto sa kondisyon ng panahon sa bansa ngayong alas-3 ng madaling araw.

Batay sa weather bulletin, huling namataan ang LPA sa layong 120 kilometers Southeast ng Hinatuan, Surigao del Sur. Kasabay nito, patuloy ding umiiral ang easterlies na siyang nagdudulot ng pabago-bagong panahon sa Luzon at Visayas.

Samantala, nananatili sa labas ng Philippine Area of Responsibility o PAR ang Tropical Storm “Hagupit.” Huling naitala ang sentro nito sa layong 2,015 kilometers silangan ng Northeastern Mindanao.

Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometers per hour malapit sa gitna, may pagbugsong umaabot sa 80 kilometers per hour, at kumikilos pakanluran sa bilis na 20 kilometers per hour.

Dahil sa umiiral na easterlies, inaasahang makakaranas ang BARMM Region ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms.

Nagpaalala ang mga awtoridad sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa sa oras ng malalakas na thunderstorms.