Mariing pinabulaanan ng Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang mga kumakalat na alegasyon ng umano’y maanomalyang transaksyon sa loob ng kanilang ahensiya, partikular na ang sinasabing P1.7 bilyong procurement deal na umano’y isinagawa sa loob lamang ng isang araw.

Sa isang opisyal na pahayag ni MBHTE Minister Mohagher M. Iqbal, iginiit nitong walang katotohanan ang mga paratang na nilaktawan o nilabag ang umiiral na procurement processes, kabilang ang pagbili ng Learners’ Kits at Teachers’ Kits. Aniya, mahigpit na sinusunod ng kanilang ahensiya ang lahat ng mga alituntunin sa ilalim ng Republic Act No. 9184 o Government Procurement Reform Act, pati na rin ang mga regulasyon mula sa Commission on Audit (COA).

Inilabas ang pahayag kasunod ng mga alegasyon online na may mga kagamitang dapat para sa mga guro at estudyante na diumano’y ibinebenta umano sa mga guro mismo—isang isyu na tinawag ng MBHTE na “seryoso at lubhang nakakabahala.”

Mariin ding itinanggi ng ahensiya na may mga kamag-anak o personalidad na nakikialam sa procurement process o programa ng MBHTE. Ayon kay Iqbal, walang sinuman—kamag-anak man ng opisyal o hindi—ang maaaring manghimasok sa mga desisyong dumaan sa tamang proseso at plano.

Sa gitna ng mga isyung kinahaharap, tiniyak ni Iqbal na nananatiling tapat ang MBHTE sa layunin nitong maghatid ng dekalidad, inklusibo, at may pananagutang edukasyon para sa mamamayang Bangsamoro.

Nanawagan din ang MBHTE sa publiko at sa media na maging mapanuri at i-verify muna ang impormasyon sa mga tamang ahensya bago maglabas ng mga haka-haka o maling akala.