Umakyat na sa 164 ang bilang ng mga nasawi habang halos 1,000 naman ang nasugatan matapos ang magkakasunod na malalakas na lindol na yumanig sa Venezuela.

Batay sa mga ulat, unang tumama ang magnitude 7.2 na lindol noong Huwebes, oras sa Venezuela, na ang sentro ay nasa humigit-kumulang 160 kilometro mula sa kabiserang Caracas.

Wala pang isang minuto ang lumipas nang sundan ito ng mas malakas na magnitude 7.5 na lindol na nagdulot ng malawakang pinsala sa mga gusali, kabahayan, at iba pang imprastraktura.

Ayon kay Interim President Delcy Rodriguez, nakikipag-ugnayan na ang pamahalaan sa mga pribadong kumpanya upang makapagbigay ng mabibigat na kagamitan na kailangan sa search and rescue operations at mapabilis ang pagsagip sa mga biktima.

Kabilang sa mga pinakamatinding naapektuhan ang lalawigan ng La Guaira, malapit sa Caracas, kung saan matatagpuan ang pangunahing paliparan ng bansa. Malawak din ang iniulat na pinsala sa Morón, Carabobo, na malapit sa sentro ng lindol.

Maraming bahay ang gumuho habang nagkaroon din ng pagkawala ng suplay ng kuryente at tubig sa ilang komunidad. Kabilang umano sa mga nasawi ang tatlong bata.

Nagbabala naman ang U.S. Geological Survey na maaari pang tumaas ang bilang ng mga namatay habang nagpapatuloy ang paghahanap sa mga nawawala.

Tinatayang libu-libong residente pa ang naapektuhan ng kalamidad, habang iniulat ng ilang lider ng oposisyon na mahigit siyam na libong katao pa ang hindi pa natatagpuan.

Samantala, nagpadala na ang Estados Unidos ng mga search and rescue team at naghahanda ng karagdagang humanitarian assistance para sa mga lugar na sinalanta ng magkakasunod na lindol sa Venezuela.