Muling umigting ang tensyon sa Ayungin Shoal matapos umanong salakayin ng mga tauhan ng China Coast Guard ang mga tauhan ng Philippine Navy habang nagsasagawa ang mga ito ng isang legal at mapayapang operasyon malapit sa BRP Sierra Madre.
Batay sa inilabas na video ng Philippine Navy, sakay ng mga rubber boat ang mga sundalong Pilipino nang paalisin nila ang isang rubber hull inflatable boat (RHIB) ng China Coast Guard na umano’y iligal na lumapit sa paligid ng BRP Sierra Madre, na matatagpuan sa mga karagatang saklaw ng soberanong karapatan ng Pilipinas sa ilalim ng international law.
Sa halip na umatras, sinasabing gumanti ng marahas ang mga tauhan ng China Coast Guard sa pamamagitan ng paghampas ng mga kahoy na pamalo sa mga tauhan ng Philippine Navy at paninira sa kanilang mga rubber boat.
Sa kabila ng insidente, nanatiling mahinahon at propesyonal ang mga sundalong Pilipino at ipinagpatuloy ang kanilang misyon nang may lubos na disiplina at pagpipigil.

















