Isinagawa ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, katuwang ang mga ahensya ng BARMM at iba pang stakeholders, ang isang simulation exercise para sa ligtas na paglikas at pagprotekta sa mga sibilyan sa panahon ng emergency o security threat.

Ginawa ang Non-Combatant Evacuation Operation Simulation Exercise kahapon Agosto 20 sa Barangay Kalanganan 2, Cotabato City at Bongo Island sa Parang, Maguindanao del Norte.

Sinubok sa naturang aktibidad ang kakayahan ng iba’t ibang ahensya na mabilis na magpakilos ng mga tauhan, magsagawa ng evacuation, magbigay ng medical assistance at humanitarian aid, at tiyakin ang seguridad ng mga inililikas na sibilyan.

Kasama rin sa exercise ang pagsasanay sa maritime domain awareness, command and control, communications, civilian assembly, convoy security, medical triage at emergency treatment, relief distribution at pamamahala sa internally displaced persons o IDPs.

Layunin din ng aktibidad na matukoy ang mga kakulangan sa kasalukuyang contingency at response plans upang mas mapalakas ang kahandaan ng mga ahensya sa posibleng krisis.

Pinangunahan ang aktibidad ni Brig. Gen. Ricky P. Bunayog, Acting Commander ng JTFC at 6ID, kasama ang Bangsamoro READi, Office of Civil Defense-BARMM, Ministry of Health, MSSD, MAFAR, BICTO, mga lokal na pamahalaan at DRRMO, Police Regional Office BARMM, Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection at iba pang ahensya.

Binigyang-diin ni Bunayog na mahalaga ang malinaw na plano at mabilis na koordinasyon ng bawat ahensya upang matiyak ang kaligtasan ng mga sibilyan kapag dumating ang isang krisis.

Matapos ang simulation, nagsagawa rin ng after-activity review upang tukuyin ang mga natitirang kakulangan at makabuo ng mga hakbang para higit pang mapahusay ang mga contingency at response plan.

Sa pamamagitan nito, layunin ng mga kalahok na mapalakas ang koordinasyon at kakayahang mabilis na tumugon sa anumang emergency habang pinoprotektahan at tinutulungan ang mga sibilyan.