Nagsagawa ng motorcade ang mga miyembro ng Solid Duterte Supporters Group (SDSG) Davao Oriental Chapter noong Hulyo 6 bilang pagpapahayag ng kanilang suporta kay Vice President Sara Duterte at pagtutol sa nagpapatuloy na impeachment proceedings laban sa kanya.
Dinaluhan ang aktibidad ng mga motorcycle riders, tricycle drivers, pribadong motorista, at iba pang supporters na umikot sa mga pangunahing lansangan ng Mati City habang may dalang mga streamer na may nakasulat na “No to Impeachment” at “Inday Sara 2028 for President.”
Ayon sa mga organizer, layunin ng motorcade na maipahayag sa mapayapang paraan ang kanilang suporta sa Bise Presidente at panawagan para sa pagkakaisa ng bansa sa gitna ng isyu ng impeachment.
Batay sa mga larawang kuha mula sa aktibidad, maraming sasakyan ang nakiisa sa convoy na may nakakabit na campaign-style posters at berdeng mga lobo bilang simbolo ng suporta kay Duterte. Umikot ang grupo sa iba’t ibang bahagi ng Mati City sa pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad upang matiyak ang maayos na daloy ng trapiko.
Wala namang naitalang anumang hindi kanais-nais na insidente sa isinagawang motorcade, na ginanap sa parehong araw na pormal na binuksan ng Senado ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.

















