Nagpaabot ng pagbati si Member of Parliament Mohagher M. Iqbal sa mga bagong itinalagang opisyal ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU), kasabay ng pag-asang mas mapapalakas pa ang mga hakbang para sa kapayapaan sa bansa, lalo na sa Bangsamoro region.

Kabilang sa mga bagong opisyal na binati ay sina Senior Undersecretary PMGen (Ret) Jonathan Ferdinand Milano, Presidential Assistant PBGen (Ret) Noel Alvarez Baraceros, Presidential Assistant Atty. Gefer Refamonte Mancol, at Director Basil Castaño, na inaasahang tutulong sa pagpapatupad ng mandato ng OPAPRU.

Ayon kay Iqbal, bilang mga partner sa usaping pangkapayapaan, inaasahan niyang mas mapagtitibay ang ugnayan ng OPAPRU at Bangsamoro leadership upang mapanatili ang mga tagumpay ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) at matiyak ang tuloy-tuloy na implementasyon nito.

Binigyang-diin din niya na ang mga nakamit na tagumpay sa proseso ng kapayapaan ay bunga ng matagal na diyalogo, respeto, at matibay na commitment ng magkabilang panig.

Tiwala si Iqbal na sa bagong pamunuan ng OPAPRU, mas lalakas pa ang mga partnership na magpapatuloy sa layuning makamit ang isang makatarungan, mapayapa, at maunlad na Bangsamoro.

Nagwakas ang kanyang pahayag sa pagbati at hangaring tagumpay sa bagong mga opisyal sa kanilang mga tungkulin.