Muling nakaranas ng pagyanig ang ilang bahagi ng SOCCSKSARGEN matapos maitala ng PHIVOLCS ang isang magnitude 5.0 na lindol bandang 1:14 ng hapon ngayong Biyernes, Hunyo 12, Araw ng Kalayaan.

Batay sa datos ng PHIVOLCS, natukoy ang sentro ng pagyanig sa karagatang bahagi ng Maasim, Sarangani, may layong 76 kilometro timog-kanluran ng bayan at may lalim na 10 kilometro.

Naramdaman ang Intensity II sa General Santos City, habang naitala rin ang Instrumental Intensity II sa General Santos City, Kiamba at Maasim sa Sarangani, gayundin sa mga bayan ng T’boli at Surallah sa South Cotabato.

Samantala, Instrumental Intensity I naman ang naitala sa Maitum at Malapatan sa Sarangani, at sa mga bayan ng Banga, Santo Niño, at Tupi sa South Cotabato.

Ayon sa PHIVOLCS, ang pagyanig ay isa lamang sa mga aftershock ng malakas na magnitude 7.8 na lindol na tumama sa offshore area ng Sarangani noong Hunyo 8.

Wala namang agarang iniulat na pinsala o nasugatan kaugnay ng pinakahuling pagyanig, subalit patuloy na pinapayuhan ng mga awtoridad ang publiko na manatiling alerto dahil posible pa ring magkaroon ng mga kasunod na aftershocks sa mga susunod na araw.